Pumanaw na sa edad ng 71 ang Superstar at Pambasang Alagad ng Sining na si Nora Aunor.

Inihayag ito ng kaniyang anak na si Ian De Leon sa isang Facebook post nitong Miyerkules ng gabi.

"She was the heart of our family—a source of unconditional love, strength, and warmth. Her kindness, wisdom, and beautiful spirit touched everyone who knew her. She will be missed beyond words and remembered forever," saad ng aktor sa post.

Ayon kay Ian, ibabahagi nila ang iba pang detalye sa Huwebes.

Sa isa pang post, inihayag niya ang pagmamahal niya sa kaniyang ina.

"We love you Ma.. alam ng Diyos kung gano ka namin ka mahal.. pahinga ka na po Ma.. nandito ka lang sa puso at isipan namin," saad ni Ian.

Sa Instagram, nag-post naman ang isa pang anak ni Nora na si Matet ng larawan nilang mag-ina sa kaniyang kasal.

"I love you mommy," simpleng caption ng aktres sa post, na sa comment section ay nagpaabot sa kaniya ng pakikiramay ang mga follower at kapuwa celebs, katulad ni Claudine Barretto.

"Condolence Matet.andito lang si Ate.mahal kita.mahigpit na yakap," pakikiramay ni Claudine.

 

 

Taong 2022 nang hirangin si Nora Aunor, kasama ang anim na iba pa bilang mga National Artist ng bansa.  

Ilan sa mga pelikula na ginawa ni Nora ay ang "Minsa'y isang Gamu-gamo,"  "Bulaklak sa City Jail," "Thy Womb," "The Flor Contemplacion Story," "Bilangin ang Bituin sa Langit," "Himala," at marami pang iba.

Nito lang nakaraang linggo, pumanaw ang dating balae ni Nora na si Pilita Corrales, sa edad na 87.

Anak ni Pilita ni Ramon Christopher Gutierrez, na dating asawa ni Lotlot De Leon, na anak naman ni Nora.  —FRJ, GMA Integrated News