Nagtamo ng malubhang sugat pero masuwerteng nakaligtas ang isang 29-anyos na lalaki na sinagpang ng buwaya na nakakulong at inaalagaan sa isang public park sa Siay, Zamboanga Sibugay.Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabi ng pulisya na pumasok sa loob ng kulungan ang lalaki na may problema umano sa pag-iisip dahil sa inakalang hindi totoo ang buwaya.“Aware yung mga tao doon na talagang may buwaya nandoon sa loob ng cage and sabi naman ng mga kamag-anak na may problema nga po sa pag-iisip at napagkamalan nga po talaga niya na laruan yung nandoon sa cage kaya tumalon po siya sa loob,” ayon kay Police Regional Office-Zamboanga (PRO-9) Spokesperson, Police Major Shellamie Chang.Sa video footage na nag-viral sa social media, makikita na kagat ng buwaya sa binti ang lalaki. Ilang beses siyang iwinasiwas ng buwaya at may pagkakataon din na bumaligtad pa ito.Pinakawalan lang ng buwaya ang lalaki nang hampasin ng may-ari ang steel fence gamit ang kahoy para gumawa ng ingay.Kaagad na tinulungan ang lalaki na nagtamo ng mga sugat sa binti at braso at maayos na ang kaniyang lagay.Nangako naman ang may-ari ng buwaya na tutulungan sa pagpapagamot ang biktima.Pinuna ang tiyuhin ng biktima ang kakulangan umano ng seguridad sa hawla o kulungan ng buwaya. Wala rin umanong security guard para sitahin ang mga papasok sa kulungan.Gayunman, sinabi ng isang crocodile expert na sumunod sa safety standards ang nag-aalaga ng buwaya.“Yung facility po nila is standard and compliant naman sa lahat ng security features. What we want to include for the additional safety baka pwedeng lagyan pa ng isang perimeter fence na mahaba just to make them the viewers na hindi siya agad makapasok,” ayon kay Crocodylus Porosus Philippines Inc. Program Director, Rainer Manalo.Dahil din sa insidente, pansamantalang ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources-Zamboanga (DENR-9) ang parke habang isinasagawa ang pagsusuri sa pasilidad.“Sine-secure po ang ating crocodile at in-assess and for the meantime sinarado muna ang lugar sa mga tao. Ngayon pinag-usapan para paigtingin yung dapat pang gawin para hindi na maulit ang insidente,” ayon kay DENR-9 Director Arturo Fadriquela. -- FRJ, GMA Integrated News