Hindi maiwasan ng 83-anyos na si "Tata Celo" na maging emosyonal kapag binabalikan ang mahirap niyang pamumuhay noon, na naging maginhawa na bunga ng kaniyang pagsisikap.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang “Tata Celo Kainan sa Palaisdaan” sa Valenzuela Cit, na pag-aari ni Marcelo Calixto, na mas kilala bilang si Tata Celo.
Ang kainan na mistulang nakalutang sa palaisdaan, gawa sa mga kawayan. Mayroon itong 18 kubo kung saan maaaring magsalu-salo ang pamilya o barkada.
Isa sa bestsellers ng Tata Celo Kainan sa Palaisdaan ang pinaputukang Pla-pla. Patok din ang boneless baked bangus, camaron rebosado at mixed seafood.
Halos magli-limang taon na ang kainan ni Tata Celo.
“Si Tata Celo, noong kabataan pa niya, nagsimula kasi siya sa pagsasaka at pamamalaisdaan. Ibig sabihin, noong time na wala pa, nagsasaka siya at the same time, pamamalaisdaan siya. Pero 'yung kaniyang palaisdaan, hindi pa sarili. Ibig sabihin, buwisan pa lang. Doon 'yung nagpursige siya, inipon niya 'yung kaniyang mga kinita roon, so hanggang saan makakuha siya ng palaisdaan na sarili niya,” kuwento ni Ed Pineda, store manager ng Tata Celo Kainan sa Palaisdaan.
Nang makabili ng palaisdaan, tinayuan ito ni Tata Celo ng kubo kung saan dinadala ang kanilang mga bisita. Dito nabuo ang ideya na magdagdag pa ng mga kubo at kalaunan, naging ganap na itong restaurant.
Maliban sa mga kubo, meron na rin sila ngayong al fresco area at function room para sa events.
Ayon kay Tata Celo, namasada rin siya noon ng tricycle para madagdagan ang kita.
“Basta kaya ko...,” emosyonal na sabi niya.
Ayon kay Tata Celo, hindi niya inisip talaga na magtayo ng isang malaking restaurant.
“Akala ko parang, kumbaga meryendahan lang. Siguro nilapitan din ako ng suwerte,” sabi niya.
Hindi naman hadlang ang edad niyang 83-anyos para tumutok sa negosyo.
“Every morning, nag-iikot siya dito eh. Tinitingnan niya ano pa 'yung kulang. Ano ba 'yung dapat na isaayos? Ano pa ba 'yung mapapasaya natin 'yung customer? Yun 'yung tinatanong niya lagi,” sabi ni Pineda.
Sa pamamagitan ng kaniyang kainan, marami siyang natutulungan dahil mayroon na siyang 50 empleyado.
Layunin ni Tata Celo na hindi lang para kumita, kung hindi para makapagbuklod din ng pamilya.
“Meron silang gathering every Sunday, 'yung buong pamilya na sama-sama, kakain sa labas. So ‘yun 'yung gusto niyang mangyari. Na hindi lang sa may okasyon kayong magkikita-kita kung kailan inyo lang magustuhan, pero ito 'yung chance na magkasama-sama 'yung pamilya sa isang hapagkainan,” sabi ni Pineda.-- FRJ, GMA Integrated News
