Sinuspinde ng 90-araw ng  Land Transportation Office (Lto) ang driver’s license ng rider na tinakpan umano ng packaging tape ang bahagi ng plaka ng kaniyang motorsiklo para hindi lubos na makita sa mga CCTV camera na gamit sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, na nakarehistro ang naturang motorsiklo sa isang residente sa San Juan City, na nag-viral ang video sa social media.

“Maliwanag na isa itong pambabastos sa batas. Gaya ng sinabi ng ating DOTr [Transportation] Secretary Vince Dizon, hindi na papayag ang pamahalaan sa mga motoristang katulad nito,” ani Mendoza.

“We already issued a show cause order against the registered owner of this motorcycle wherein we also informed him that his driver’s license is suspended for 90 days,” dagdag ng opisyal.

Bahagi umano ng imbestigasyon ang pagtukoy kung ang may-ari ng motorsiklo ang nagtakip sa plaka ng sasakyan.

Ayon sa pahayag, nakita ng LTO social media monitoring team ang viral Facebook video ng motorsiklo na tinakpan ng packaging tape ang tatlong letra sa plaka para hindi madaling matukoy sa camera.

Nakasaad sa SCO na dapat magtungo sa LTO Central Office ang may-ari ng sasakyan, at magsumite ng paliwanag kung bakit hindi siya dapat parusahan sa ginawang pagtatakip sa plaka ng sasakyan.

Mahaharap umano ang nakarehistrong may-ari ng motorsiklo sa paglabag sa Section 18 Para. 2 ng R.A. 4136 (Use of number plates).

“Further, you are directed to bring the Official Receipt (OR) and Certificate of Registration (CR) of the subject motorcycle including your record as the official rider of the Move It Company,” saad pa sa SCO.

“Thus, it is also directed that his driver's license be surrendered immediately on or before the scheduled hearing to reckon the said suspension,” dagdag nito.

Naka-alarma na rin umano ang naturang sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon ng LTO.

Pinaalalahanan ni Mendoza ang mga motorista na ilegal na takpan ang plaka ng sasakyan.

BASAHIN: MMDA, binalaan ang mga motorista na P5,000 ang multa sa takip-plaka para iwas-huli sa NCAP

Hikayat din niya ang publiko, lalo na ang netizens, na i-report sa LTO ang mga katulad na iregularidad na ginagawa ng mga motorista.-- FRJ, GMA Integrated News