Isa sa mga itinuturong pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy ang altapresyon o hypertension. Bakit nga ba tinatawag na “silent killer” ang sakit na ito at pangontra nga ba rito ang pag-inom ng pineapple juice at pagkain ng bawang? Alamin.

Sa isang episode ng “Pinoy MD,” ipinakilala si Gerry Carpio, 51-anyos, na may maintenance na noong 35-anyos pa lamang matapos ma-diagnose na may hypertension.

“Lifestyle ko po noong medyo kabataan ko, wala po akong pakialam na inom, sigarilyo, pulutan po na cholesterol, matataba. Noong malaman ko po na mataas na pala po 'yung BP ko, tsaka po ako nagbawas-bawas po ng mga gano’n,” sabi ni Carpio.

Ayon kay Dr. Alejandro Bimbo Diaz, presidente ng Philippine Society of Hypertension, bumabata na ang tinatamaan ng hypertension dahil sa pagbabago ng lifestyle.

“Sabi nila sa older adults o kaya 40 years old and above. Pero because nagbago na ang lifestyle, karamihan ngayon, maski na in their 20s, in their 30s, puwede rin magkaroon ng high blood pressure or hypertension or altapresyon,” sabi ni Diaz.

Dapat nasa 120 over 80 ang normal na blood pressure. Pero kapag umabot na ito sa 140 over 90, tinatawag na itong hypertension.

Ayon kay Diaz, naging "silent killer" ang tawag sa hypertension dahil umaatake ito nang walang ipinapakitang sintomas 

“Pag nagkakaedad, dahan-dahan kasi tumitigas ang ugat natin. So, kaya tama 'yung  sinasabi nila na ‘silent killer’ talaga ang hypertension. Kasi kadalasan, dahil sa sobrang bagal ng pagpataas ng blood pressure, wala kang mararamdaman na sintomas. So asymptomatic, walang sintomas kadalasan ang altapresyon,” paliwanag ng doktor.

Sa tuwing tumatagal ang pagtaas ng blood pressure, nasisira ang ugat at ang lining nito. Kung hindi maagapan, maaaring itong humantong sa stroke, heart attack, kidney failure o pagpalya ng bato, at panlalabo o pagkawala ng paningin.

Kapag sobrang init ng panahon, mas madalas tumaas ang BP ni Carpio, at nakararanas siya ng pagsakit ng ulo, panlalabo ng paningin at pananakit ng batok.

Ayon kay Diaz, posibleng may epekto ang init ng panahon sa pagtaas ng blood pressure ng isang tao, lalo kung pabago-bago ang temperatura mula sa sobrang init at sobrang lamig.

Samantala, nilinaw ni Diaz na hindi totoong nakapagpapababa ng BP ang pag-inom ng pineapple juice, na ginagawa ni Carpio kapag mataas ang presyon ng kaniyang dugo.

Hindi rin umano totoong nakapagpababa ng BP ang pagkain ng bawang, na ginagawa rin ni Carpio.

Payo ng eksperto sa mga may altapresyon, piliin ang wastong pagkain, umiwas sa bisyo, magkaroon ng sapat na pagtulog, i-manage ang stress, at huwag kalimutan ang maintenance.

Ipinaliwanag ni Diaz na hindi na kaya ng lifestyle change lamang ang altapresyon o hypertension, kundi nakatutulong ang mga gamot para protektahan ang mga lining na nakakatulong sa pagbaba ng komplikasyon ng hypertension sa mga ugat. -- FRJ, GMA Integrated News