Nakunan sa video ang pagbagsak ng isang eroplano ng Air India sa isang residential area ilang sandali matapos itong mag-takeoff sa Sardar Vallabhbhai Patel International Airport sa India.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood sa isang video ang pag-takeoff ng flight 171, bago naging pababa ang direksyon ng eroplano papunta sa residential area.

Kalaunan, bumagsak na ito, at nagliyab matapos na tumama sa hostel ng isang medical college.

Kasama sa mga pasahero na nakasakay sa eroplano ang 11 bata at dalawang sanggol.

Isa lamang ang himalang nakaligtas mula sa mahigit 200 sakay nito, na kinilalang si Vishwash Kumar Ramesh, 40-anyos.

Sinabi ng isang police official na nakaupo si Ramesh malapit sa emergency exit.

Agad namang tumugon ang iba’t ibang ahensiya upang apulahin ang sunog sa nadamay na hostel.

Matapos makontrol ang apoy, nakita ang matinding pinsala sa gusali. Kumakat din ang mga debris at halos madurog ang isang parte nito.

Kinumpirma ng mga awtoridad na mayroon ding mga namatay mula sa hostel.

Ayon sa tala ng mga awtoridad nitong Hunyo 13 na mahigit 290 ang patay sa itinuturing ngayon na “world’s worst aviation disaster in a decade.”

Batay sa inisyal na imbestigasyon, papunta sa London ang sinawimpalad na flight ng Air India.

Inaasahang mahaba ang biyahe ng eroplano, kaya may malaking volume ng langis ang karga nito.

Sinabi ng nakaligtas na si Ramesh, na nakarinig sila ng malakas na tunog kasunod ng kanilang pag-take-off.

“The plane carried almost 125,000 liters of fuel, and the temperature rose to extreme levels, there was no chance of saving anyone,” sabi ni Indian Interior Minister Amit Shah.

Ayon din sa Air India, ang piloto ng eroplano ay may 8,200 flight hours na experience, habang ang co-pilot ay may 1,100 flight hours.

Pinalipad nila ang Boeing 787-8 Dreamliner, isa sa pinakamodernong passenger aircraft.

Narekober na ang black box ng eroplano, at isinailalim sa technical analysis ang data mula rito. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News