Nagulat ang mga amo ng isang pusa at isang aso nang makita ang sweet moment ng kanilang mga alaga habang kasama ang magkaibang daga.

Sa programang “Dami Mong Alam, Kuya Kim,” ikinuwento ni Erwin Estoque mula sa Nueva Ecija, na kapapanganak lang ng kaniyang alagang chihuahua na si “Tiny,” at nagkaroon ito ng tatlong tuta.

Pero isang araw, laking gulat na lang niya nang mapansin na may kakaibang kulay na nakasama sa kulungan nito.

“Sinilip kong mabuti, nagulat ako, daga pala [yung isa],” ayon kay Edwin.

Pero dahil bagong panganak lang si Tiny, minabuti ni Edwin na ilayo sa kaniya ang daga na kasamang matulog ng mga tuta sa tabi ng aso.

Samantala, ikinuwento naman ni Marcos Bangga na amo ng pusa na si “Cooper,” na hinahayaan nila ang kanilang alaga sa ikatlong palapag ng kanilang bahay para doon maglaro at makalakad.

Ngunit isang araw, nagulat na lang sila nang bumaba si Cooper mula sa third floor na may dala nang daga.

Pero sa halip na kagatin o kainin, makikita sa video na niyayakap at dinidilaan ng pusa ang daga.

Ayon kay Marcos, tatlong araw na kasama ni Cooper ang daga bago sila nagpasya na paalisin ang “bisita” ng kanilang alaga.

Bakit nga ba tila hindi natakot ang mga daga sa kina Tiny at Cooper? Alamin ang paliwanag ng eksperto. Panoorin ang buong kuwento sa video ng "Dami Mong Alam, Kuya Kim."—FRJ GMA Integrated News