Si Sofia Mallares ang unang four-chair turner contestant sa bagong season ng “The Voice Kids.” Kaya naman pagalingan ang apat na coach sa pagligaw kay Sofia upang isa sa kanila ang piliin.

Sa pilot episode ng naturang season ng “The Voice Kids” nitong Linggo, agad na umikot ang mga coach na sina Paolo at Miguel ng Ben&Ben, at Zack Tabudlo, sa simula pa lang pagkanta ni Sofia sa blind auditions kung saan inawit niya ang "Ako Naman Muna."

Ilang saglit pa, magkasunod ding umikot ang mga upuan nina coach Julie Anne San Jose at coach Billy Crawford.

Ang isa sa kambal ng Ben&Ben, umupo pa sa baba habang ninanamnam ang magandang tinig at suwabeng pag-awit ni Sofia sa “Ako Naman Muna."  

Matapos ang performance, nagkaroon ng kakaibang paraan ng pagpili si Sofia ng coach na dahil siya mismo ang nagtanong sa mga coach kung bakit sila [o isa sa kanila] ang dapat niyang piliin.

Sa huli, si coach Zack ang pinili ni Sofia.

"I'm really, really proud and honored to have you in Project Z," sabi ni Zack kay Sofia.

Sa naturang blind auditions, may tig-isa na ring napiling talent para sa kanilang team sina Ben&Ben at Billy. Samantalang dalawa naman ang napunta kay Julie.

Mapapanood ang The Voice Kids tuwing Linggo sa ganap na 7:00 p.m. pagkatapos ng Bubble Gang sa GMA at Kapuso Stream.—FRJ GMA Integrated News