Nasawi ang tatlong sakay ng isang elf truck, habang dalawa pa ang hinahanap, matapos na mahulog sila sa bangin at bumagsak sa Chico River sa Bontoc, Mt. Province.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Tocucan, kaninang umaga.

Ayon sa mga awtoridad, bumangga muna ang truck sa dalawang nakaparadang sasakyan bago ito nahulog mula sa taas na tinatayang 150 hanggang 170 metro at bumagsak sa ilog.

Patuloy ang isinasagawang search, rescue, at retrieval operations para sa dalawa pang nawawalang biktima.

Lima ang lahat ng sakay ng truck na pawang mga construction worker at patungo sana sa isang project site sa Kuro-Kuro, Sadanga nang mangyari ang aksidente.

Mula sa Pangasinan ang apat sa kanila.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang operasyon at imbestigasyon. – FRJ GMA Integrated News