Taong 1981 nang gumuho ang itaas na bahagi ng Manila Film Center habang ginagawa pa ito at may mga trabahador umano na nalibing doon nang buhay--bagay na itinanggi noon ng gobyerno. Ngunit kahit ilang dekada na ang lumipas, patuloy pa rin ang mga paniniwala na may mga kaluluwa na nagpaparamdam sa gusali kahit matagal na itong sarado sa publiko.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Mark Anthony Agana, dating dancer at choreographer sa Amazing Show, na dating nagtatanghal sa film center, ang mga naranasan niya sa gusali na hindi niya maipaliwanag.

Gaya ng nadidinig umano niyang mga boses na humihingi ng tulong. Mayroon din umano siyang nakikitang mga anino gayung wala namang ibang tao sa lugar.

Paniwala niya, ang mga manggagawang namatay noong panahon na ginagawa ang film center ang nagpaparamdam sa gusali.

Sinasabing minadali umano ang pagpapatayo sa film center noong 1981 para habulin ang pagbubukas nito sa publiko sa susunod na taon o 1982.

Ngunit noong Nobyembre 1981 na malapit nang matapos ang gusali, gumuho pinakataas na palapag nito at natabunan umano ang nasa halos 200 na manggagawa.

Batay sa pahayag noon ng gobyerno, pito lang ang nasawi sa naturang insidente. Habang sa mga naglalabasang ulat, pinaniniwalaan na may mahigit 100 tao pa ang naiwan at nalibing doon nang buhay.

Sa inilabas na pahayag noon ni dating First Lady Imelda Marcos, iginiit niya na walang naiwang bangkay sa film center, taliwas sa mga naglalabasang haka-haka.

Bagaman sarado na, may mga guwardiya pa rin na nagbabantay sa gusali.

Ang sekyu na si Florencio Teberio Jr., ikinuwento ang karanasan nang maalimpungatan siya na tila may lalaking sumasakal sa kaniya.

Paniwala niya, isa mga trabahador doon na namatay ang nagparamdam sa kaniya.

May nadidinig din umano siyang mga kalabog, umiiyak at sumisigaw kapag nagbabantay siya.

Maging ang kaniyang asawa, may napansin din umano na kakaiba nang minsan kausap niya ito sa cellphone.

Ang lady guard naman na si “Jannette,” hindi malilimutan ang karanasan nang may pumatak na tila likidong pula sa kaniyang uniporme na hindi niya malaman kung pintura o dugo.

Upang malaman kung may nagmumulto nga ba sa film center at kung sino ang mga ito, nagtungo sa gusali  ang mga paranormal investigator na sina Anna dela Cruz at Ed Ealuag.

Nang magpalipad ng drone sa loob ng gusali, may naaninag sa camera na tila pigura ng tao.

Totoo nga kaya na mayroon pang mga nasawi na nalibing nang buhay sa gusali? Alamin sa video ang pahayag ng dalawang manggagawa na nakaligtas sa naturang trahediya. Panoorin ang buong ulat. – FRJ GMA Integrated News