Kabilang sa mga pagkain na pinupuntahan ng mga tao sa Carriedo, Maynila ang tindang smokeless barbecue ng isang 17-anyos na binatilyo na isinasawsaw sa masarap na sauce. Kaya raw nitong kumita ng P7,000 kada araw.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” sinabing bata pa lang ay laman na ng kalsada si Lyron Carvajal, at mahilig na rin magtinda ng kung anu-ano.
Sa edad 17, nagpasiya nang tumigil sa pag-aaral si Lyron at lubusin ang pagkayod para makatulong sa kaniyang lola at dalawang nakababatang kapatid.
“Pinipilit kong mag-aaral, ayaw pa muna. ‘Lola, huwag muna. Tulungan muna kita.’ Kasi nga, wala akong maasahan na magtinda,” sabi ni Maritess Carvajal, lola ni Lyron.
Sa bahay iniihaw ni Lyron at kaniyang lola ang kanilang tinda. Pagkatapos ay ititindi ito ng binatilyo sa Carriedo na nakalagay sa maliit na kariton.
Pinipilahan ang mga smokeless barbecue ni Lyron mula 10 a.m. hanggang 9 p.m. Sa dami ng mga suki, kaya niyang umubos ng 300 hanggang 400 sticks kada araw.
Mula sa puhunan na P2,000, kumikita ang barbecue ni Lyron ng P7,000 kada araw.
“Makabili lang po ng ibang gamit lang po, tapos nakatulong din po sa dalawang kapatid ko sa pag-aaral po nila,” ani Lyron.
Inilahad naman ni Lola Maritess ang pangarap niya para sa apo.
“Gusto namin ang lolo niya na maging pulis siya. Super proud ako diyan kasi kahit sa school, sa mga grades niya, napakatataas,” sabi ni Maritess.
Si Lyron naman, planong tuparin ang kaniyang pangarap ng kaniyang lola at babalik siya sap ag-aaral sa susunod na pasukan.
“Ibabalik ko po ulit ‘yung pag-aaral ko. Pangarap ko pa para sa pamilya namin na makaahon po kami sa ganitong sitwasyon po. Balang araw makabili rin po kami ng mga gusto namin,” sabi ni Lyron.— FRJ GMA Integrated News
