Mas dinayo pa ng mga kostumer ang karinderya na Morning Sun Eatery sa Project 4 Quezon City-- na kilala sa kanilang mga putaheng Ilokano-- matapos itong makatanggap ng Michelin Bib Gourmand award, na iginagawad sa mga kainan na may natatanging lutuin sa abot-kayang halaga.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing kabilang ang Morning Sun Eatery sa nasa 25 restaurants at kainan na nabigyan ng Bib Gourmand.
Umaga pa lamang, mahaba na ang pila sa naturang karinderya, na signature dishes ang Dinakdakan at barbecue.
“Nabigla lang po kami noong [nakilala] na kami, kasi hindi naman namin akalain na makukuha,” sabi ni Elizabeth Mortera, isang Ilokana at may-ari ng Morning Sun Eatery.
Posibleng nakahuli sa panlasa ng mga Michelin inspector ang barbecue at Dinakdakan ng mga Ilocano.
Kuwento ni Elizabeth, nagsimula sila noong 1995 nang magtinda sa isang kanto ang kaniyang kapatid. Kalaunan, tinanong siya ng kaniyang kapatid kung kaya niyang humawak ng kainan.
Namana pa ni Elizabeth ang recipe ng Dinakdakan mula sa kaniyang ama.
“Kasi ‘yung tatay ko kasi dati, alam mo naman sa probinsya, ‘yung ‘pag may mga kasal, siya ang tagaluto, kinukuha nila,” sabi niya.
Nagluluto ng 30 kilo ng Dinakdakan sina Elizabeth araw-araw na nauubos.
Inilahad ni Elizabeth ang sikreto kaya nagtagal ang kanilang kainan.
“Sipag at tiyaga. Tulong-tulong naman kami, 'yung mga anak ko dito. Nakatapos nga sila, pero sabi nu’ng panganay ko, dito na lang daw po sila,” sabi niya.
Bukas ang Morning Star Eatery mula 8 a.m. hanggang 10 p.m.
Ayon kay Elizabeth, may mga banyaga ring kumakain sa kanilang restaurant. Gayunman, hindi sila nagpapakilala kung sila ang mga Michelin inspector.
Sa loob ng mahigit isang siglo, kinikilala ng Michelin Guide sa pamamagitan ng kanilang secret inspectors ang mga natatanging kainan na kapag napili, ginagawaran ng Michelin Stars.
“Ang ibig sabihin ng one star, worth it puntahan 'yung restaurant mo. ‘Pag nakatanggap ka naman ng two stars, worth it balikan ang restaurant mo. ‘Pag nakakuha ka ng three stars, ito 'yung talagang worth it na talagang ‘yun ang pinakadestinasyon ng isang tao 'yung talagang puntahan 'yung restaurant mo,” sabi ni Chef Anne Atanacio, Center of Culinary Arts. – FRJ GMA Integrated News
