Dahil sa nagbabago ang panahon, ang mga kariton na gamit sa pagnenegosyo, nag-level-up na bilang “cart.” Ang paggawa naman ng mga “modernong” cart ang naging negosyong patok sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang negosyong cart ng Modified Konzepts, na business partner si Patrick Grecia.
“Naiikot mo 'yung kabuuan ng cart, puwede mo siyang tanggalin. Kahit anong oras, puwede mo rin siyang dalhin kung saan-saan,” sabi ni Patrick.
Karaniwang kliyente nila ang mga negosyanteng nagsisimula pa lang sa kanilang dream business na katulad ng mga nagtitinda ng pagkain o inumin. Pero kung dati ay itinutulak ang kariton, ngayon, maaari nang hatakin na lang gamit ang motorsiklo o maging bisikleta.
“'Yung mga gusto na mag-umpisa pa lang [mag-business], like ‘yung mga vendor talaga na nag-out sila sa pagiging employee. Tapos gusto nga nila is maging business na maliit lang para sa mga gilid-gilid lang ng kalsada mag-umpisa. Ang kadalasan po sa aming umu-order is ‘yung mga nagmi-milk tea po sa amin. Soda, yan, ‘yung mga siomai,” sabi ni Patrick.
Gawa umano sa mga de-kalidad na materyales ang mga cart na ginagawa nina Patrick.
“Ang kadalasan talaga is 'yung mga BI pipe, GI pipe, mga 40, 20, 'yung mga tubular round bar. 'Yung mga matitigas talaga na materyales 'yung [ginagamit] namin. Kaya para 'yung lifetime din ng cart,” sabi niya.
Kulang-kulang tatlong linggo ang inaabot para makabuo ng isang cart. Dumadaan ang pagbuo ng cart mula sa framing, pag-fit ng plain sheet, bago ito pipintahan.
Mula pa sa Thailand ang ginagamit nilang rubber wood, habang 14 inches ang ginagamit na mugs nito. Coupler naman ang ginagamit para sa hihilahan ng cart.
Nagsisimula sa P21,000 ang presyo ng standard carts nila at puwede ring mag-customize.
Dahil puwedeng ipuwesto sa gilid ng mga kalsada, wala nang binabayarang puwesto ang mga maliliit na negosyo na kliyente nina Patrick mula sa Luzon, Visayas at Mindanao
May warranty rin ang mga cart ni Patrick.
Bago pasukin ang negosyo sa paggawa ng cart, skilled welder na si Patrick, na natuto sa kaniyang ama.
“High school pa lang po, kinukuha niya na ako para maging partner niya, labor niya. Nagkaroon na nagkaroon, hindi na rin ako nag-college kasi mas gusto ko na lang din talaga magtrabaho. Nag-welder ako. Hanggang sa 'yung naging partner ko naman dito sa business, nakitaan naman ako na kung paano ako magpa-run ng fabrication. Then eto, nai-apply namin lahat ng natutunan namin simula nu’ng high school lang ako,” sabi niya.
Nasa P5,000 lang ang naging puhunan niya noong una siyang gumawa ng simpleng cart na kanilang napalaki. May mga katuwang na rin sila sa paggawa ng cart at sa pag-market ng produkto.
“Makinig lang na makinig sa mga customers sa kung ano 'yung gusto nilang ipaggawa. Kasi ‘yun lang naman din talaga 'yung magic para dito,” sabi ni Patrick. – FRJ GMA Integrated News
