Nanawagan ang isang environmental group na itigil na ang pagmimina sa Mt. Hamiguitan Mountain Range sa Davao Oriental, na isa umanong protektadong lugar, at kinikilala bilang UNESCO World Heritage Site.
Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ng Interfacing Development Interventions for Sustainability (IDIS), na maihahalintulad sa Sierra Madre ng Luzon ang Mt. Hamiguitan dahil sa mahalagang papel nito para mabawasan ang epekto ng kalamidad, partikular ang hagupit ng mga bagyo.
Ayon kay IDIS Program Coordinator, Enp. Lemuel Manalo, sagana sa biodiversity ang Mt. Hamiguitan, at nakatutulong para protektahan ang mga komunidad sa Davao Oriental, kabilang ang Governor Generoso, San Isidro, Mati City, at mga kalapit bayan, sa panahon ng pagbaha at bagyo.
Gayunman, nagiging banta umano sa kabundukan ang mga ginagawa roon na pagmimina, partikular sa Barangay Macambol, Mati City.
Noong Oktubre 2025, naglabas ang pamahalaang panlalawigan ng mga larawan na nagpapakita na tinatayang 200 ektarya ng Mt. Hamiguitan ang nasira umano dahil sa pagmimina.
Sinabi ng IDIS na hindi lamang nakakaapekto sa mismong lugar ang pagkasira ng Mt. Hamiguitan kundi nagkakaroon din ng banta sa mga kalapit na protected zones, kabilang ang Pujada Bay.
“We are one with the provincial government in calling out the mining issue in Mt. Hamiguitan. When it comes sa environmental and watershed management dili siya bounded kung asa lang tong jurisdiction of their license,” ani Manalo.
Nananawagan ang IDIS sa mga awtoridad na huwag nang i-renew ang mga mining license upang maprotektahan at makapagpahinga ang kabundukan.
Nauna nang sinabi ng pamahalaang panlalawigan na maglalabas ito ng resolusyon para suspendehin ang operasyon ng pagmimina sa lugar. –FRJ GMA Integrated News
