Bago makapagligtas ng mahigit 50 kababayan niya na nalubog sa baha nang manalasa ang bagyong Tino sa Liloan, Cebu, napag-alaman na nalagay din muna sa alanganin ang buhay ng 15-anyos na binatilyong bayani dahil nalubog din sa baha ang kanilang bahay.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” binalikan ni Jayboy Magdadaro ang sitwasyon noon sa kanilang lugar sa pananalasa ng bagyo.

“Nu’ng kasagsagan ng bagyong Tino, baha. Nandoon kami sa second floor. Tapos nandoon lang kami sa kisame. Marami nang nagpa-panic, marami nang patay,” sabi niya.

Naging mabilis ang pagtaas ng tubig-baha sa Liloan kaya sinaklolohan sila ng kaniyang tiyuhin para dalhin sa ligtas na lugar.

Matapos masagip si Jayboy, dadalhin na sila sa evacuation center pero naisip niyang magtago upang hindi madala roon, at sa halip ay bumalik sa kanilang lugar para magligtas din ng kaniyang mga kababayan.

“Naawa ako kasi madami ang nanghihingi ng tulong,” anang binatilyo, na buong tapang na sinagupa ang ragasa ng baha.

“Ang ginamit ko ay salbabida tapos doon ko sila pinasakay,” ani Jayboy.

“Hindi ako natatakot kasi gusto kong makatulong,” dagdag ni Jayboy, na walang pagod sa ginawang pagsagip nang mula 8 a.m. hanggang 3 p.m.

Ayon kay Jayboy, may nag-abot sa kaniya ng gantimpala dahil sa kaniyang ginawang pagsagip pero tinanggihan daw niya ito.

“‘Yung mga natulungan ko, nagpasalamat sila sa akin. Binigyan ko ng pera, hindi ko tinanggap. Sabi nila, Diyos na bahala,” saad niya.

Ang kapitbahay ni Jayboy na si Reign Dayday ang nagpost sa social media tungkol sa kaniyang kabutihan.

Dahil sa kabayanihang ipinakita ni Jayboy, nakatanggap naman siya ng isang full scholarship at P3,000 monthly allowance mula sa kanilang barangay. – FRJ GMA Integrated News