Bumaha ng luha ang isang kasalan dahil sa buong puso at lakas na tiisin ng isang amang may Parkinson’s Disease na pigilan ang panginginig ng kaniyang katawan maihatid lamang sa altar ang kaniyang unica hija.
Sa nakaraang episode ng “Good News,” itinampok ang madamdaming video ng kasal nina Stephanie at Romel Elisterio.
Hindi napigilang umiyak ng mga bisita na maging emosyonal dahil sa ginawang sakripisyo ni tatay Alan Gonzales upang ihatid ang anak na si Stephanie sa altar na pinapangarap niya.
Bago nito, ikinuwento ni Stephanie na hindi sila sigurado kung maihahatid siya ng ama sa altar dahil sa karamdaman nito na hindi mapigilan ang panginginig ng katawan at hirap na ring maglakad.
“Sobrang importante po. Matagal na rin talaga na hinihintay ni papa. Meron po kasi akong mga anak sa una. Nag-aalala sila sa akin kasi baka raw walang tumanggap sa akin, walang magyaya na magpakasal sa akin,” sabi ni Stephanie.
Dahil sa Parkinson’s Disease, hirap nang magbalanse ng katawan si Tatay Alan.
“Mahirap lalo na ‘yung galaw ko. Nakakapagod. Mapapahiya lang sila dahil sa akin,” sabi niya.
Bago magkasakit, sinisikap ni Tatay Alan na ibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya at maaasahan pa sa bahay. Istrikto rin siya, pero laging may payong pag-ibig dahil minsan nang nabigo si Stephanie bago nito natagpuan ang true love.
Taong 2013, napansin ng pamilya ni Tatay Alan na edad 45 noon na nanginginig ang kamay nito. Inakala nilang na-stroke ang kanilang padre de pamilya.
Kalaunan, kinumpirma ng mga espesyalistang sumuri kay Tatay Alan na meron siyang Parkinson’s Disease, kung saan naapektuhan ang nervous system ng isang tao kaya bumabagal ang kilos nito at nakararanas ng panginginig sa katawan.
Ang natuang karamdaman, habambuhay nang dala ni Tatay Alan dahil wala pa itong lunas sa ngayon.
Dahil sa kalagayan ni Tatay Alan, dasal niyang makahahanap ng lalaking magmamahal sa kaniyang anak na si Stephanie. Kaya noong umibig si Stephanie kay Rodel, minahal na rin ni Tatay Alan ang kaniyang manugang.
“Si Papa, tahimik lang. Hindi ho siya ‘yung parang mapangaral na talagang lagi nag-a-advise. Pero alam namin na andu’n siya, nakasuporta sa amin,” ani Rodel.
Makaraan ang pitong taong pag-iibigan, natuloy rin sa kasal sina Stephanie at Rodel. Gayunman, nawalan na ng pag-asa si Stephanie na makakapag-martsa pa si Tatay Alan sa altar upang ihatid siya.
Ngunit si Tatay Alan, hindi pumayag na hindi siya makarating sa dream wedding ng kaniyang unica hija.
Tiniis ni Tatay Alan ang panay na paggalaw at panginginig ng katawan, at halos matumba pa sa paglalakad mahatid lang si Stephanie sa altar ng simbahan.
“Si Papa, nakikita ko na talagang nilalabanan niya 'yung sakit niya. Na kahit talagang inaatake na siya noon, pinipigilan niya talaga na iyong kamay niya, nilalagay niya sa likod para lang po hindi masyado siyang gumalaw,” ani Stephanie.
“Noong naglalakad na kami sa simbahan, nagtitinginan sila eh. Pero kinaya ko para sa anak ko,” sabi ni Tatay Alan.
“Iba po talaga 'yung moment na 'yun para sa amin. So ako talaga, hinahawaan ko siya nang mahigpit na minsan ma-out of balance na kami. Pero talagang inaano ko eh 'yung sarili ko na huwag kaming matumbang dalawa,” sabi ni Stephanie.
Buong higpit ding niyakap ni Tatay Alan ang manugang na si Rodel.
“Sa tuwing naiisip ko, binabalikan ko 'yung mga videos namin. Talagang umiiyak po ako kasi alam ko na nahirapan talaga 'yung papa ko at tiniis niya 'yun para sa akin,” ani Stephanie.
Maging sa reception ng kasalan, nagbigay pa si Tatay Alan ng madamdaming mensahe para sa bagong kasal.
“Rodel. Ikaw na ang bahala sa anak ko. Alam ko na mahal na mahal mo siya. Nagpapasalamat ako sa mga magulang mo dahil tinanggap nila si Stephanie. Stephanie, mahalin mo si Rodel. Rodel mahalin mo si Stephanie. Mahalin niyo ang mga anak niyo,” mensahe ni Tatay Alan sa bagong mag-asawa.
Tunghayan sa Good News ang madamdaming mensahe ni Stephanie sa kaniyang ama. Panoorin.—FRJ GMA Integrated News
