Kalahating oras lamang na sinikatan ng araw ang kabisera ng Sweden na Stockholm sa unang bahagi ng Disyembre. Dahil dito, posibleng maranasan sa lugar ang pinakamadilim na Disyembre sa kasaysayan mula noong 1934 kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, ayon sa mga meteorologist.
Sanay ang Sweden-- tulad ng iba pang mga bansa sa Nordic-- sa mahahaba at madidilim na taglamig, na may mas maiikling araw at mas mahahabang gabi dahil sa kanilang lokasyon sa hilaga.
Ngunit ayon sa meteorologist na si Viktor Bergman, ng Swedish Meteorological and Hydrological Institute (SMHI), mas naging matindi ang dilim at kulimlim sa Disyembre ngayong taon sa Stockholm.
"So far in December -- the month isn't over yet -- there's been only a half-hour of sunlight," saad niya. "We've had unstable low pressure systems with mild and humid weather, and that brings lots of clouds. There hasn't been a chance for the skies to clear."
"The sun has also been weak, and its rays have not been able to clear away the clouds," patuloy niya.
Ayon kay Bergman, ang karaniwang haba ng sikat ng araw sa Stockholm para sa buong buwan ng Disyembre ay humigit-kumulang 33 oras, batay sa datos mula 1991 hanggang 2020.
Idinagdag niya na posibleng sumilip pa ang araw sa Stockholm sa mga susunod na araw, “ngunit hindi ito sigurado.”
Naitala noong 1934 ang pinakamadilim na Disyembre sa kabisera ng Swedish na naging napakaliit ng sikat ng araw sa “rounded down to zero hours,” ayon pa kay Bergman.
Mas masuwerte naman ang ibang bahagi ng Sweden ngayong Disyembre, gaya sa timog-silangang bayan ng Karlskrona, na may pinakamaraming naitalang sikat ng araw sa bansa sa ngayon na umabot sa 12 oras.
Wala ring naranasang snowfall ngayong winter sa Stockholm, na lalo pang nagpapadilim sa kapaligiran dahil nakatutulong sana ang repleksyon ng niyebe sa lupa upang lumiwanag ang paligid.
Ayon kay Bergman, hindi na rin inaasahang magbabago ang sitwasyon kaya masisira ang pag-asa ng mga taga-Stockholm na magkaroon sila ng white Christmas.
"It's looking very pessimistic for Christmas," saad niya — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News

