Nakaranas ng brownout ang ilang lugar sa Davao City sa Araw ng Pasko matapos umakyat ang isang lalaki sa poste ng kuryente at maglakad sa mga kawad sa Barangay Ilang.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, inihayag ng Davao Light and Power Co. (Davao Light) na nagkaroon ng emergency power interruption na nakaapekto sa Purok 6, Buhisan, Tibungco hanggang Km 18 National Highway, Tibungco sa Daang Maharlika Highway; at Purok 15, Panuntungan St., Barangay Km 18 Crossing Eliong Road hanggang Km 17-1 Bunawan malapit sa Unifrutti hanggang Crossing Malagamot, Panacan.
Ayon sa Davao Light, umakyat ang isang lalaki malapit sa 69kV line bandang 8:49 ng umaga, kaya pansamantalang inihiwalay ng kumpanya ang 69kV line loading ng Pampanga Substation.
Pinalibutan din ng pulisya ang lugar upang mapadali ang rescue sa lalaki.
Kalaunan, dumating ang mga tauhan ng Davao Light at ng Bureau of Fire Protection (BFP), at matagumpay na nailigtas ang lalaki.
Naibalik din ang suplay ng kuryente makalipas ang tanghali.
Ayon sa mga awtoridad, sinabi ng kapatid ng lalaki na mayroon siyang mental health condition. Iniulat din na umalis ang lalaki sa isang construction site sa Samal Island, na pinapasukan nitodakong 10 ng gabi noong Miyerkoles habang nag-iinuman sila.
Inihayag ng pulisya, na sinabi umano ng lalaki na hinabol siya ng isang aso at nakararanas ng hallucination. Inaamin din umano nito na gumamit siya ng ilegal na droga.
Mahaharap ang lalaki sa reklamong alarm and scandal. — FRJ GMA Integrated News
