Nasawi ang isang 12-anyos na lalaki matapos masabugan ng napulot nilang mga paputok ng kaniyang kaibigan sa Tondo, Manila noong Linggo. Kaniyang kaibigan, sugatan naman at kailangang operahan.

Sa ulat ni Bea Pinlac nitong Lunes, makikita sa CCTV footage sa Barangay 223 na magkasamang naglalakad ang mga biktima at may dalang mga paputok na kanilang napulot, ayon sa pulisya.

Umupo sila sa bangketa at sinindihan ang mga paputok at doon na nangyari ang trahediya.

Makikita sa video na nabalot ng makapal na usok ang lugar mula sa malakas na pagsabog.

Agad na nasawi ang isang biktima, habang isinugod naman sa ospital ang isa pa na kailangang operahan.

“Sabi niya po, lalabas lang daw po, may bibilhin daw po siya. Biglang ‘yun po, may narinig kaming malakas na sumabog. Tapos ‘yun nga daw po ‘yung anak ko,” ayon kay Candy Delos Reyes, ina ng nasugatang biktima.

Ayon sa pulisya, piccolo at isang hindi pa tukoy na fountain type na paputok ang sinindihan ng mga bata.

Sinabi ni Barangay Kagawad Cyron Reyes, na ipinagbabawal ang pagpapaputok sa kanilang lugar, at kinukuha mula sa mga bata ang makikitang paputok.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. –FRJ GMA Integrated News