Nanlumo ang isang lalaki nang malaman niyang pinapak ng mga anay ang P25,000 na tig-P500 na inipon niya sa loob ng isang taon. Ang pera, inilagay niya sa kahoy na kahon at nakatabi sa loob ng isang locker.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ini-upload ni Cirilo Bitang ang isang video na makikita kung ano na lang ang natira sa pinaghirapan niyang pera.
Kuwento ni Bitang, nasa maayos na kondisyon pa ang mga pera nang tingnan niya ang mga ito noong huling linggo ng Nobyembre.
Pero nang silipin niya muli noong December 19, kinain na ng mga anay ang pera. May mga anay din sa divider ng kuwarto na kinaroroonan ng locker.
Sa mga pera, tanging ang P500 polymer bill ang hindi raw nagalaw ng mga anay.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, maaaring mapalitan ang mga nasirang pera depende sa tindi ng pinsala na tinamo nito. Kailangang may natira na kahit 60 porsiyento ng sukat ng pera, may makikitang pirma, at ang may makikitang security thread. — FRJ GMA Integrated News
