Malaki ang naging papel ng isang rider sa Sison, Pangasinan para maibalik sa kaniyang pamilya sa Quezon City ang missing bride-to-be na si Sherra de Juan. Ano nga ba ang nangyari at matuloy pa kaya ang kasal? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ang araw nang umalis si Sherra para bumili ng sapatos noong December 10 na gagamitin sana niya sa kanilang kasal ni Mark Arjay Reyes, na nakatakda sanang gawin noong December 14.

Subalit hindi na nakauwi pa si Sherra hanggang sa matunton siya noong December 29, 2025, sa Sison, Pangasinan na palakad-lakad at humingi ng tulong sa isang motorcycle rider na si Rodel Dela Rosa.

Ayon kay Rodel, hindi niya kaagad napansin si Sherra nang lumapit sa kaniya dahil abala siya sa pagtingin sa kaniyang hawak.

"Hindi ko po siya napansin doon. Bale nakayuko kasi ako na tumitingin sa list ko, hawak ko 'yung cellphone ko," ani Rodel.

"Biglang nasa gilid ko po then umiiyak na nagmamakaawa na humingi ng tulong. Talagang maawa ka sa mukha niya talagang tuliro, umiiyak na alam n'yo parang bata," sabi pa ni Rodel.

Hindi rin daw kaagad nalaman ni Rodel na ang viral na missing bride-to-be pala ang kausap niya. Nalaman lang niya ito nang magkuwento na si Sherra, at tanungin niya ang pangalan ng nobyo nito.

Nang makumpirma ni Rodel na ang nawawalang bride-to-be ang kaharap niya, sinabihan niya ito kung gustong magpunta sa police station. At kung ayaw naman, dadalhin niya si Sherra sa bahay ng kaniyang biyenan para makapagpahinga, makakain at makaligo.

Habang nasa bahay ng kaniyang biyenan, ipinagamit ni Rodel ang kaniyang cellphone kay Sherra para matawagan si Mark.

"Mga around 9:30 'yun, nag-ring ang phone niya. Unang hello niya, kinabahan po talaga ako noon. Nakalimang hello po siya, napatayo talaga ako nun. Noong narinig niya ang boses ko, iyak siya ng iyak," kuwento ni Mark.

Tuwing gabi umano naglalakad si Sherra sa kalsada at sumusunod sa mga bus patungong Cubao. Sa umaga naman, naghahanap siya ng masisilungan upang magpahinga. Nahiya umanong humingi ng tulong si Sherra dahil sa hindi na maayos ang kaniyang hitsura noong panahong na nawawala siya.

Nakauwi na sa Quezon City si Sherra at patuloy na nagpapahinga.

Ayon kay Rodel, nakatatanggap siya ng pamba-bash na nagsasabing kasabwat siya at nakatanggap ng reward P150,000 na hindi umano totoo.

Kuwento ni Mark, taong 2023 nang maging engaged sila ni Sherra. Una nilang plinano na magpakasal noong 2024 pero hindi natuloy dahil sa kakapusang pinansiyal at iniurong nila ang kasal nitong nakaraang Disyembre pero nawala naman si Sherra.

Matapos ang nangyari, matuloy pa rin kaya ang kasal nila ni Sherra?

"Tuloy po ang kasal. Meron na po kami actually na date, end of March po," ayon kay Mark.

"Natutuwa nga ako kasi siya 'yung talagang eager sumagot, 'Tuloy, tuloy.' Pero sinabihan ko siya, ' 'Wag mo i-pressure ang sarili mo sa sinasabi ng iba.' Kumbaga ang priority nga namin is maka-recover siya. Lagi ko naman sinasabi sa kaniya na 'yun naka-support ako sa lahat ng bagay,” patuloy niya.

Dagdag pa ni Mark, “Whatever the future have for us, nandoon lang ako. Hindi ko siya iiwan kahit anong sabihin ng tao. Mahal ko siya." – FRJ GMA Integrated News