Dalawang buhay na naman ang nasayang sa panibagong insidente ng pagkakakulong ng mga bata sa loob ng nakaparadang sasakyan.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing dalawang magpinsan na edad apat ang nasawi nang makulong sila sa isang sira at abandonadong kotse na nakaparada sa isang bakanteng lote sa Olongapo City.
Sa kuha ng CCTV camera bandang 11 am noong Miyerkoles, nakita ang dalawang biktima na pumasok sa nakaparadang kotse.
Dakong 2 pm sa nasabing araw nang makita ang magpinsan sa loob ng sasakyan na wala nang buhay.
Ayon sa pulisya, wala noon ang mga magulang ng mga bata, at ang nakatatandang kapatid ng isa sa mga biktima ang nagbabantay sa kanila.
Hindi raw nagpaalam nang umalis ang dalawang bata at nagpunta sa sasakyan.
Sinabi naman umano sa pulisya ng may-ari ng kotse na naka-lock ang sasakyan kaya ikinagulat niya kung paano nakapasok ang mga bata.
Noong Marso 2024, dalawang magpinsan na bata rin ang nasawi nang makulong sila sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Angeles, Pampanga.
Hulyo 2024 naman nang matagpuan na patay na rin sa loob ng abandonadong sasakyan ang magkapatid na batang lalaki sa Santo Tomas, Pampanga.
Enero 2025 naman nang masawi rin ang magkapatid na lalaki na edad lima at anim matapos silang makulong ng dalawang araw sa loob ng isang sirang pickup truck na ipinapagawa sa Labason, Zamboanga del Norte. --FRJ GMA News
