Hiniling na ng Amerika sa Pilipinas na i-extradite o ibigay sa kanilang kustodiya ang religious leader na si Pastor Apollo Quiboloy para litisin sa mga kasong sex trafficking at racketeering na kinakaharap niya sa US, ayon kay Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel "Babe" Romualdez.

"The formal request has been transmitted to the Department of Justice," ani Romualdez.

Inaresto si Quiboloy noong Setyembre 2024 sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

May kinakaharap din siyang kasong qualified human trafficking na walang piyansa sa ilalim ng Seksyon 4(a) ng Republic Act No. 9208 at kasalukuyang dinidinig sa isang korte sa Pasig.

Noong Nobyembre 2021, inanunsyo sa US ang pagsasampa ng mga kaso laban kay Quiboloy na may kaugnayan sa sex trafficking. Sa kaso, inakusahan ang religious leader na pinilit umano ang ilang menor de edad at kabataang babae na makipagtalik sa kaniya, gayundin sa iba pang opisyal ng simbahan, kabilang ang dalawang administrador na nakabase sa US.

Ayon sa mga federal prosecutor sa Los Angeles, pinalawak ng sakdal ang mga alegasyong unang isinampa noong 2020 laban sa tatlong administrador ng simbahan.

Kinasuhan ang siyam na akusado dahil umano sa paglahok sa isang scheme nang dalhin umano sa US ang ilang miyembro ng simbahan gamit ang mga visa na nakuha sa pamamagitan ng panlilinlang at pinilit ang mga ito na mangalap ng donasyon para sa isang pekeng charity para sa mga bata.

Nang hingan ng komento tungkol sa kahilingan ng extradition, sinabi ni Department of Justice spokesperson Polo Martinez na, "As of this time, the DOJ has not officially received any document indicating that the United States has formally requested the extradition of Apollo Quiboloy."

"Under the Philippine–U.S. Extradition Treaty and applicable law, the DFA would be the first point of contact for such a request. Initial inquiries may therefore be directed to the DFA," dagdag ni Martinez. –FRJ GMA News