Dahil sa ipatutupad na Anti-Distracted Driving Act (ADDA), gagawa rin ng paraan ang navigational mobile application na Waze ng upang tumugon sa itinatakda ng batas. Maglalagay na din ito ng Tagalog voice command para umalalay sa pagtuturo ng direksyon sa mga motorista.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA news "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing ipatutupad na sa darating na Hulyo 6 ang ADDA matapos ilabas ang binagong implementing rules and regulations o IRR.

Matatandaan na sinuspindi ang implementasyon ng naturang batas dahil sa kalituhan sa mga itinatakdang regulasyon.

Sa ilalim ng IRR ng ADD, bawal pa ring tumawag o sumagot ng tawag gamit ang cellfone o iba pang gadget kung hindi gagamit ng handsfree o kaya'y bluetooth device.

Hindi rin puwedeng mag-type o magbasa ng text, manood, mag-internet o mag-social media, o mag-games gamit ang gadget.

Para sa mga gagamit ng navigation apps, puwede nang ilagay sa ibabaw ng dashboard ang mga gadget, o kahit idikit pa sa wind shield, basta hindi ito lalampas sa apat pulgada ang taas mula sa ibabaw ng dashboard.

Dapat din daw na naka-set na sa app ang destinasyon bago pa umandar ang sasakyan.

Para naman maging compliant sa ADDA, ia-upgrade ng Waze ang feature nito para hindi na kailangang hawakan ang gadget habang nagmamaneho.

"Now that there's the safe zone, you're able to dock your phones. You're still able to see Waze... as long as it's within the four inches that's legally allowed," ayon kay Mona Weng, global strategic partnerships manager ng Waze.

"You can actually update your destinations with voice commands. So that way you don't have to touch the phones at all," dagdag niya.

Ibinalita rin ni Weng na maglalagay din sila ng Tagalog na salita sa pagturo sa direksyon at mga kalye na sisimulan din sa Hulyo.

"We're releasing a whole suite in Tagalog with both the voice navigation which will include street names and a Tagalog voice command," ani Weng. -- FRJ, GMA News