Hindi pinatawad ng mga kawatan ang karneng ibinebenta sa Quinta Market sa Quiapo, Maynila.

Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa "24 Oras" nitong Sabado, kitang-kita sa isang CCTV camera footage ang dalawang lalaki na dumaan sa isang tindahan ng mga karne.

Makalipas ang ilang minuto, bumalik ang isa sa mga lalaki at mabilis na kinuha ang isang malaking hiwa ng karne.

Ang kasama naman niya nakuhanan din na nag-aabang sa may labas ng palengke.

Ayon sa anak ng nagtitinda ng karne, nahuli na ang mga suspek na residente din ng Quiapo.

Sa isang mall naman sa Pagadian City, nakuhanan din ng CCTV camera ang pananalisi ng isang lalaki sa isang tindahan ng alahas.

Nagpanggap siyang bibili ng kwintas at nang mahawakan na niya ito, mabilis niyang ikinubli sa hawak niyang panyo ang alahas at pinalitan ng peke.

Hindi ito napansin ng tindera dahil halos pareho lamang ang disenyo ng kwintas na nagkakahalaga ng P20,000.

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang suspek. —ulat ni Tina Panganiban Perez/Anna Felicia Bajo/ALG, GMA News