Kung pinagsasabong ang mga tandang sa Pilipinas, sa isang bayan sa England, pinagkakarera naman ang mga inahin.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing literal na "chicken run" ang taunang pakulo ng mga residente sa Bonsall, Derbyshire.
(Screengrab mula sa GMA News 'Balitanghali')
Ngayong taon, aabot umano sa 40 inahin ang isinali sa 29th World Hen Racing Championships.
Bago isabak sa laban, ikinondisyon muna ang mga manok sa pamamagitan ng pagpapakain. Ngunit hindi gaya ng ibang karera, tila relax lang muna ang mga manok nang bitawan ng kani-kanilang mga amo.
May ilang manok na tumutuka pa sa lupa, at may iba naman na tila mainit ang ulo na naghahanap ng away.
Pero nang malapit na sa finish line, doon na umarangkada ang mga inahin.
Ang itinanghal na kampeon na nakarating sa finish line sa loob ng limang segundo ay ang manok na nanalo rin noong 2013, 2015 at 2016. -- FRJ, GMA News

