Muntikang mapahamak ang isang babae nang bigla na lang siyang itulak ng nakasalubong niyang lalaki na nagja-jogging sa gilid ng isang tulay sa London.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing naglalakad lang ang babae sa Putney bridge nang bigla siyang salyahin ng lalaki at matumba sa bahaging daanan ng mga bus.
Sa inilabas na CCTV footage ng pulisya, makikita na muntikang mahagip ng bus ang ulo ng babae kung hindi kaagad nakabig ng drayber ang manibela ng sasakyan.
('Balita Pilipinas' screengrab)
Pero sa kabila ng sinapit ng babae, nagpatuloy lang sa pagtakbo ang lalaki na tila walang nangyari.
Tinulungan naman umano ng mga pasahero ng bus ang natumbang babae na nagtamo ng kaunting galos sa katawan.
('Balita Pilipinas' screengrab)
Humingi ng tulong ang pulisya sa London para matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki na tumulak sa babae. -- FRJ/KVD, GMA News


