Kakaibang kaguluhan ang nirespondehan ng mga awtoridad sa isang punerarya sa Dayton, Ohio. Ang mga sangkot sa gulo, ang misis at nobya ng lalaking nakaburol.
Ayon sa online news na WDTN.Com (//wdtn.com/), rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng tawag sa nangyayaring kaguluhan sa Young Lucian Funeral Home.
Kuwento umano ng mga kawani ng punerarya, nasa burol ng lalaki ang misis at pamilya nito. Pero isa pang babae na may kasama ang dumating na sinasabing nobya ng namayapang lalaki.
Nagsimulang magkaroon ng mainit na pagtatalo sa burol nang paalisin ni misis ang nobya ng asawa, at tuluyan nang nauwi sa rambolan ng mga babae.
Ilang lalaki ang nagtangkang umawat sa mga nag-aaway na mga babae pero natigil lang ang gulo nang may gumamit ng pepper spray para mapaghiwalay ang mga nagrarambol.
Walang naman umanong inaresto ang mga pulis sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News
