Takot man sa tubig, pero para sa kaniyang minamahal, sinisid ng isang lalaki ang ilalim ng dagat sa Moalboal, Cebu, at doon siya nag-propose ng kasal.

Sa GMA News "Unang Balita" ni Atom Araullo, sinabing nasa isang long-distance relationship ang magkasintahang sina Carlo, nakabase sa New Zealand, at Chai, nakabase sa Cebu.

Dahil malayo pareho ang kanilang tirahan, madalas sa dagat sila kung mag-bonding.

Kuwento ni Chai, bata pa lamang nang mahiligan niya ang mga dagat.

"'Yung tatay ko is scuba diver din siya before. Na-expose ako sa snorkeling noong elementary pa. Doon pa lang, sobrang na-engganyo na ako, as in na-inlove na ako sa underwater," sabi ni Chai.

Ngunit ang kaniyang boyfriend na si Carlo, dating takot sa tubig.

"Natatakot ako sa sobrang blue lahat ng nakikita mo, baka may biglang lumabas dito at kainin ako, biglang kagatin. Wala akong choice eh, sasamahan ko siya eh. So kasama ko, nagta-travel kami. Little by little, nag-gain ako ng confidence para mag-swim na rin sa dagat," sabi ni Carlo.

Matapos ang tatlong taong relasyon, nag-propose ng kasal si Carlo kay Chai, at doon gagawin ang proposal sa ilalim ng dagat.

"Yah, I was really surprised. Actually, hindi ko ini-expect. Puro tubig na 'yung mask ko, hindi ko alam kung paano tanggalin," pag-amin ni Chai.

Sa karagatan din ng Moalboal sila nag-shoot ng kanilang prenuptial video.

"Chai, mahal na mahal kita. I'm looking forward na makasama na kita and to a life growing old together," mensahe ni Carlo kay Chai.

"Carlo, mahal na mahal din kita. Lagi akong nandito to support you. Lagi mong tatandaan na sobrang proud talaga ako sa 'yo. Parang pride ko din sa karagatan sa Pilipinas," mensahe naman ni Chai kay Carlo. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News