Pinagmulta at posible pang makasuhan dahil sa kanilang hindi pangkaraniwang "selfie" ang dalawang Amerikanong turista sa Thailand matapos silang mag-picture taking na kita ang puwet habang nasa harap ng isang sikat na Buddhist temple.

Sa ulat ng Reuters, kinilala ng Thai police ang mga turistang pinagmulta ng tig-5,000 baht ($154) na sina Joseph Dasilva, 38, at Travis Dasilva, 36.

Dinakip ang dalawa habang nasa isang airport sa Bangkok bunga nang kanilang "butt selfie" na ginawa sa Wat Arun, o Temple of the Dawn.

“The two American citizens have admitted taking the picture,” ayon kay district police chief Jaruphat Thongkomol.

Sinabi sa ulat na kilala ang Thailand sa pagiging konserbatibo sa kanilang relihiyon na karamihan ay mga Buddhist.

Mayroong Instagram account ang dalawa na tinawag na "traveling_butts" na makikita ang kanilang mga larawan na kita ang puwet sa iba't ibang tourists sites sa mundo.

Sinabi ni Jaruphat na pagmumultahin din ang dalawa sa katulad na kasalanan sa isa pang templo sa Bangkok.

Nakadetine umano umano ang dalawa sa immigration detention center habang pinag-aaralan ang posibleng paglabag nila sa Computer Crime Act ng Thailand dahil sa pag-upload nila ng naturang mga larawan sa social media, sabi pa ng opisyal.-- Reuters/FRJ, GMA News