Parang eksena sa pelikula na nangyaring paghabol ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) sa colorum na van sa Paniqui, Tarlac. Ang driver ng van, pilit na tinatakasan ang LTO kahit sakay pa ang kaniyang mga natatakot na pasahero.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita sa nag-viral na video na ini-upload ng isang pasahero ang tensiyon sa loob ng van habang hinabol sila ng mga taga-LTO.
Kuwento ng pasahero, hindi nila alam na colorum pala ang kanilang nasakyan kaya hindi pa man daw sila nakalalayo ay sinundan na sila ng LTO.
Pero sa halip na tumigil ang driven ng van, humarurot pa ito lalo kahit nakikiusap na sa kaniya ang mga pasahero na tumigil dahil baka sila madisgrasya.
Sa halip, sinabihan ng driver ang mga pasahero na lilihis sila ng daan at i-lock ang pinto para matakasan ang mga tauhan ng LTO.
Tumagal daw ng may 30 minuto ang habulan na nagtapos sa bahay mismo ng driver.
Pero sa hinaba-haba ng habulan, nahuli pa rin ng LTO ang drayber na mahaharap sa mas matinding reklamo.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng driver at ang mga awtoridad sa nangyari. --FRJ, GMA News
