Bistado ng mga awtoridad ang droga na itinago sa lalagyan ng ointment at isinama sa sinangag na kanin na nasa kawali sa Camarines Sur. May mga pakete rin ng shabu na itinago sa cellphone at kahon ng posporo.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabing kaagad na napansin ng mga awtoridad nang pasukin ang bahay ng drug suspect na si Marieta Santor sa barangay Sta. Cruz sa bayan ng Bato, Camarines Sur, ang kawali na may sinangag na kanin.
Sa unang tingin, aakalain mong pang-almusal lang ang sinangag pero nang suriin ay nakita ang lalagyan ng ointment na may sachet ng hinihinalang shabu.
Sa kuwarto, nadiskubre pa ng mga awtoridad ang iba pang pakete ng shabu na itinago naman sa cellphone.
Naaresto ang suspek pero itinanggi niyang sangkot siya sa droga.
Maging ang kaanak ng suspek, itinanggi ang paratang ng mga pulis na tila ipinapahiwatig na inilagay lang ang droga.
"Kanina wala pa iyan, pagbukas ko ng pinto. Ngayon, naglabas si sir na naka-sibilyan meron na," ayon sa kaanak.
Itinanggi naman ng mga awtoridad na inilagay lang o planted ang mga droga na umaabot umano sa anim na sachet ang nakuha sa suspek.
Hindi naman naabutan ng pulisya ang anak ni Marieta na si Jomar na sangkot din umano sa droga.
Sa kaparehong barangay, sinalakay din ng mga awtoridad ang bahay ng umano'y tulak na si Prospero Tigue, at nakuha sa ilalim ng kaniyang higaan ang posporong may hinihinalang shabu.
Itinanggi naman ng naarestong suspek ang paratang.-- FRJ, GMA News
