Hindi umubra ang pakiusap ng mga rider na walang suot na helmet na kasama sa motorcade nang masita sila ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Quezon City. Sa dami ng nahuli, naubusan ng paniket ang mga traffic enforcer.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nasa halos 500 riders ang sumama sa motorcade para sa golden anniversary ng Tau Gamma Phi Fraternity na dumaan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Nagkataon naman na nasa lugar ang mga MMDA enforcers para manghuli ng mga pasaway na mga tricycle driver kaya walang kawala ang mga rider na walang helmet na kasama sa motorcade.

Sa kabila ng pakiusap ng mga rider, tiniketan pa rin sila hanggang sa naubos ang panitek ng MMDA.

"Alam namin anniversary n'yo. okay, happy anniversary. Pero violation 'to wala kayong helmet, nasa main road pa kayo.  Tumawag pa sa'kin mismo ang chairman so lahat nang walang helmet titiketan, lahat ng motor. Pasensiya na," sabi ni Col. Memel Rojas-Team leader ng MMDA.

Sumunod naman ang mga rider na may paglabag.

Bago pa mahuli ang mga rider na kasama sa motorcade, marami na umanong natiketang tricycle criver ang MMDA talagang pakay ng clearing operations.

"Tricycle ban, pinagbabawal nga sa Commonwealth. Sa ngayon wala tayong dalang tow truck kaya ticket nang ticket lang muna tayo," sabi ni Rojas. -- FRJ, GMA News