Nakunan sa CCTV kung gaano ka-organisadong kumilos ang grupo ng mga kawatan sa magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa mga tindahan sa Ilocos Norte at Negros Occidental.
Sa isang ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing dalawang kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P60,000 ang natangay ng mga kawatan sa isang grocery store sa Batac City, Ilocos Norte.
Sa kuha ng CCTV, makikita kung gaano tinakpan ng mga magkakasabwat na kinabibilangan ng ilang babae ang dalawang kahon ng sigarilyo para makuha nila.
Kung sigarilyo ang nakuha ng mga kawatan sa Ilocos Norte, mga alahas naman na nagkakahalaga ng P400,000 ang nasikwat ng mga kawatan sa isang alahasan sa Bacolod City, Negros Occidental noong November 4.
Sa kuha ng CCTV sa loob ng tindahan, kapansin-pansin ang dalawang lalaki at isang babae na tila kostumer na sabay-sabay na tumitingin at namimili ng alahas.
Habang abala ang tindera sa pag-asikaso sa tatlo, isang lalaki naman ang mabilis na kumuha ng mga tindang alahas sa kabilang bahagi ng tindahan.
Kapansin-pansin na sabay-sabay ding nag-alisan ang tatlong tila kostumer nang umalis na ang lalaking tumangay ng mga alahas.-- FRJ, GMA News
