Isang batang umiiyak ang nakita ng ilang motorista na gumagapang sa gilid ng kalsada na ginagawa sa Bulacan. Isang aso naman ang nahagip ng tricycle sa Abra.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nakita ang batang umiiyak at gumapagapang sa McArthur highway sa bahagi ng Malolos, Bulacan.

Ilang dipa mula sa lugar kung saan gumagapang ang bata, may mga tipak ng bato dahil ginagawa ang gilid ng kalsada.

Kapansin-pansin din ang isang taong nakatalukbong ng kumot sa 'di kalayuan na tila mahimbing ang pagkakatulog.

Ilang sandali pa, may isang babae na lumapit sa bata pero hindi sinabi sa ulat kung kaano-ano ito ng paslit.

Ayon sa ulat, ipinagbigay-alam ng GMA News sa Bulacan Provincial Social Worker Development Office ang naturang insidente.

Sa Bangued, Abra naman, nahuli-cam ang dalawang aso na nasa gilid ng kalsada.

Pero nang tila tatawid ang isang aso, may dumating na tricycle at nabangga ng sidecar nito ang hayop.

Sa kabila ng nangyari, hindi tumigil ang driver at humarurot lang palayo.

Ayon sa may-ari ng aso, walang tinamong sugat ang kaniyang alaga pero nagkaroon daw ito ng trauma.

Pero masama ang loob niya sa driver ng tricycle na hindi man lang umano nagpakita ng malasakit sa nangyari sa aso.-- FRJ, GMA News