Isang kuting na mayroong walong paa ang natagpuang patay sa tabing-dagat sa Davao City.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing ang mga mag-aaral mula sa isang pribadong paaralan na kasama sa coastal clean-up drive ang nakakita sa pambihirang kuting.
Ayon sa D'bone Museum na kasama rin noon sa clean-up drive, posibleng may parasitic twin ang natagpuang kuting.
Bibihira lang daw talaga ang mga hayop na nabubuhay nang may ganitong kondisyon.
Dadalhin sa D'bone museum ang mga buto ng kuting para i-display.
Kamakailan lang, isang biik ang isinilang sa Sultan Kudarat na buhay at may dalawang mukha sa iisang ulo. (LOOK: Biik, buhay na isinilang na may dalawang mukha).
--FRJ, GMA News
