Nag-viral ang video ng isang lalaki na nagmamaneho ng "automatic" na sasakyan habang sa passenger seat siya nakapuwesto. Pero ang kaniyang pakulo, hindi ikinatuwa ng Department of Transportation (DOTr).
Sa Facebook post ng DOTr nitong Miyerkules, natukoy ang pagkakakilanlan ng naturang driver na si Miko Lopez.
"Miko Lopez will be summoned to LTO [Land Transportation Office] today. He has already been identified and address was already determined," ayon sa FB post ng DOTr.
"LTO will charge him for Reckless Driving, Illegal Modification (removing the steering wheel), Not Wearing Seatbelt, and Improper Person to Operate a Motor Vehicle," dagdag pa sa pahayag.
Sinabi pa ng DOTr na aalisan ng lisensiya si Lopez at hindi na maaaring kumuha pang muli sa hinaharap.
Sa video, makikita si Lopez na nasa passenger seat at pinapatakbo ang sasakyan gamit ang kaniyang kaliwang kamay [sa manibela] at kaliwang paa [sa pag-apak sa pedal].
Nagawa pa niyang manigarilyo sa loob ng sasakyan.
May kasama naman siya sa likod na kumuha ng video.
"Lahat ng bawal ginagawa ko," saad ni Lopez sa naturang video.
Sinusubukan ng GMA News Online na makuha ang panig ni Lopez. — FRJ, GMA News
