Isang 17-anyos ang itinuturong may pakana ng pagbutas sa ilang nitso sa isang sementeryo sa Narvacan, Ilocos Sur. Ang isang bangkay, nilagyan pa ng "shades."
Ayon sa ulat ni Ivy Hernando ng Balitang Amianan sa "24 Oras", ang bangkay ng isang dating lider ng barangay na inilibing kamakailan lang ang nilagyan ng shades ng binatilyo.
Sa follow-up operation ng mga pulis sa Narvacan, nahuli ang menor-de-edad ang at nakuha pa sa kaniya ang jacket at wallet na ipinabaon ng pamilya ng namayapang barangay chairman.
Pero dahil menor de edad at sinasabing may problema sa pag-iisip, ibinalik sa kaniyang mga kaanak ang suspek.
"Medyo masama ang loob [ng mga kaanak ng patay] kasi du'n nga sa nangyari, pero ganunpaman, kinausap nila 'yung minor na 'yun," sabi ni Police Major Rogelio Miedes, officer-in-charge ng Narvacan police station.
"Medyo meron talagang ano [problema] siya sa pag-iisip niya," dagdag pa niya. —NB/FRJ, GMA News
