Viral na naman sa social media ang isang lalaki sa Tuguegarao City na sinita ng traffic enforcer noong Hulyo dahil sa paggamit ng kaldero bilang helmet habang angkas sa motorsiklo. Ang lalaki, may suot na ngayong helmet pero hindi motorsiklo ang pinapatakbo.

Sa ulat ng GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Lunes, makikita sa video na inupload  ni Chi Balisi Gurung, ang lalaking naka-helmet habang sakay ng kabayo sa national highway ng nasabing lungsod sa Cagayan province.

Ayon pa sa ulat, naaliw sa naturang lalaki ang mga motorista na kaniyang nakasabay sa kalye.

Matatandaan na sinita noon ang lalaki at pinagmulta ng P200 dahil sa paglabag sa "No Helmet, No Travel" policy ng lungsod dahil sa kaldero ang ginawa niyang helmet.

Paliwanag niya noon,  wala siyang pambili ng helmet kaya kaldero na lang ang isinuot niya sa kaniyang ulo. -- FRJ GMA News