Biglaan ang pagkamatay ng limang-taong-gulang na si Angel ng Lanao del Norte dahil sa sakit. Bunga ng kahirapan, hindi na siya ipinaembalsamo at kaagad na inilibing. Pero pagkaraan ng tatlong araw, hinukay siya ng kaniyang ina at iniuwi sa bahay dahil sa paniwalang buhay pa ang anak.
Pero bago umano ang malungkot na pangyayari, sinabing namimitas lang ng sili si Angel nang biglang sumama ang kaniyang pakiramdam at umuwi. Sa kanilang bahay, sumakit daw ang sikmura ng bata, nagsuka at nanigas.
Kaagad siyang dinala ng mga magulang sa ospital pero hindi na umano umabot doon ng buhay. Sinikap naman daw sa ospital na i-revive si Angel pero sadyang huli na ang lahat.
Dahil sa kahirapan, hindi na siya ipinaembalsamo at kaagad na inilibing. Pero sa mismong araw ng Pasko, nanaginip daw ang ina ni Angel na nakikiusap ang kaniyang anak na kunin siya dahil nauuhaw na siya at nagugutom.
Gamit lang ang pinggan, hinukay nga ng ina ang bangkay ng anak at iniuwi sa kanilang bahay. Sabi ng ama ni Angel, walang masamang amoy ang kaniyang anak at malambot daw ang katawan nito.
Nabuhay nga ba uli si Angel? Panoorin ang video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
