Maraming paaralan sa iba't ibang bahagi ng mundo ang kanselado ang graduation ceremony dahil sa banta ng coronavirus pandemic. Pero ang isang unibersidad sa Japan, nakaisip ng high-tech na paraan matuloy ito at "makadalo" pa rin ang estudyante .

Sa ulat ng Reuters, ipinakita kung papaano naisagawa ng Business Breakthrough University sa Tokyo ang graduation ceremony nang hindi nalalabag ang social distancing, lalo pa't bawal din ang mass gathering o pagsasama-sama ng maraming tao sa isang lugar.

 


Gumamit ang unibersidad ng avatar robots na tinawag na “Newme” na likha ng ANA Holdings. Binihisan ito ng graduation gowns at nilagyan ng cap.

Ang mukha ng robot, nilagyan ng tablet na makikita ang mukha ng nagtapos na estudyante, na "live" nakakonekta naman sa laptop.

Isa-isang pinapalakad ang mga robot papunta sa podium para tanggapin ang diploma.

May ilang kawani naman ng unibersidad ang nasa okasyon para alalayan ang robot at pumalakpak.

Mismong ang presidente ng unibersidad na si Kenichi Ohmae ang nag-aabot ng diploma sa nagtapos na estudyante na kaniyang inilalagay sa harapan ng robot.

Dahil "live" na nakakonekta sa internet ang nagtapos na estudyante, nagagawa nilang makipag-usap mismo sa pangulo ng unibersidad. 

“I think this is truly a novel experience to receive a certificate in a public area while I am in a private space,” sabi  ng isang nagtapos na si Kazuki Tamura na tumanggap ng kaniyang master’s degree diploma.

Umaasa ang unibersidad na gagawin din sa ibang paaralan ang kanilang ginawa.--Reuters/FRJ, GMA News