Isang tao ang namatay at mahigit 400 pa ang isinugod sa ospital sa katimugan ng India dahil sa hindi pa matukoy na impeksiyon na nagdudulot sa pasyente na makaranas ng pagkahilo, panginginig at may nawawalan ng malay.

Sa ulat ng Reuters, inilahad ng mga opisyal at mga eksperto sa katimugang rehiyon ng Andhra Pradesh na mahigit 200 katao na ang nakalabas ng mga ospital noong weekend.

Hindi naman sila nagpositibo sa COVID-19 pero patuloy isinasagawang serological tests.

"The causes of the outbreak are not known yet," anang opisyal ng Andhra Pradesh. Wala rin daw pinipiling edad ang naturang misteryosong sakit na dulot ng impeksiyon.

Sa hiwalay na pahayag nitong Lunes, sinabi ng Federal Health Ministry ng India na magpapadala sila ng grupo ng tatlong medical experts para imbestigahan ang nangyaring outbreak, na susuri sa mahigit 300 bata.

"The children reportedly suffered from dizziness, fainting spells, headache and vomiting," saad ng health ministry, na sinabing magsasagawa na rin ng door-to-door survey.

Inalerto ang state health department ng India sa unang kaso noong weekend matapos masawi ang isang 45-anyos na lalaki, ayon kay Geeta Prasadini, public health director ng Andhra Pradesh.

"We have taken the patients' blood samples for serological investigation and bacterial investigation to rule out any type of meningitis," sabi ni Prasadini sa Reuters.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang mga water supply sa 20 lokasyon sa lungsod ng Eluru kung saan unang iniulat ang outbreak, pati na rin ang mga karating-lugar nito, dagdag ni Prasadini.

Ang Andra Pradesh rin ay kabilang sa mga labis na naapektuhan ng COVID-19 sa India.

Nakapagtala ang India ng 9.68 milyon na infection ng COVID-19, na pumapangalawa sa Estados Unidos sa buong mundo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News