Hindi inakala ng isang ama sa Northern Samar na ang binili niyang chainsaw para magamit sa kaniyang hanapbuhay ay magiging mitsa para malagay sa peligro ang buhay ng kaniyang anak.
Kuwento ni 61-anyos na si Tatay Boyning Beconia, nagpuputol siya ng puno ng niyog gamit ang chainsaw nang aksidente niyang tamaan ang kaniyang13-anyos na anak si Gian.
Laking takot ang naramdaman ni Tatay Boyning nang makita ang dugo sa dibdib at tiyan ng kaniyang anak dahil sa tama ng lagareng de makina.
Kaagad niyang binalutan ng tela ang sugat ng anak para pigilan ang pagdurugo. Pinasan niya ang anak upang madala sa ospital.
Ngunit dahil sa nasa liblib silang lugar, hindi naging madali ang pagdala kay Gian sa pagamutan. Dalawang oras silang bumiyahe sakay ng bangka upang marating ang pinakamalapit na ospital.
Ngunit dahil sa malubha ang sugat at sa pangamba na baka may bitukang tinamaan sa tiyan ni Gian, inirekomenda na ilipat ang bata sa mas malaking pagamutan.
Kaya muli silang bumiyahe ng isang oras patungo sa mas malaking ospital sa Catarman, Samar. Dito na nakita ng mga duktor ang sitwasyon ng tinamong sugat ni Gian.
Sa kabutihang palad, hindi tinamaan ang bituka ng bata. Makaraang tahiin ang sugat at gamutin, pinayagan na si Gian na makauwi pagkalipas ng isang linggo.
Sa kanilang pag-uwi, malaking pagsubok na naman ang kakaharapin ng mag-ama dahil sa hirap ng daan at hindi maaaring madagdag ang sariwa pang sugat ng bata.
Tunghayan sa video ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa ginawang bayanihan ng mga residente para makauwi nang ligtas si Gian. At ano kaya ang planong gawin ni Tatay Boyning sa chainsaw na muntik nang kumitil sa buhay ng kaniyang anak. Panoorin.
--FRJ, GMA News
