Kinagiliwan ng mga nakipiyesta sa Liliw, Laguna ang tradisyunal na karera ng mga talangka.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing kinuha sa ilog ang mga talangka na inilaban sa karera sa Barangay Bayate.

Ang race track ng mga talangka, mula sa saha ng saging. At nang mailatag na ang mga saha, sinimulan na ang karera.

Ang may-ari ng talangka na nanguna sa karera, nag-uwi ng P300 bilang premyo. Habang P200 naman ang napanalunan ng pumangalawa, at P100 sa 3rd place.

Sinabi ng mga opisyal ng barangay na naging bahagi na ng kanilang kultura ang karera ng talangka tuwing kapistahan ng kanilang patron na si San Isidro Labrador.  —FRJ, GMA News