Payat at dehydrated na ang isang Polar bear nang masagip sa Dikson, Russia. Ang hayop, nasugatan ang dila nang maipit sa lata ng gatas na nakita niya marahil sa basurahan nang maghanap ng makakain.

Sa ulat ng Reuters, sinabing ang mga residente ang humingi ng tulong nang makita ang babaeng oso na tinatayang dalawang-taong-gulang habang gumagala sa kanilang lugar noong nakaraang linggo.

Isang grupo mula sa Moscow Zoo ang nagtungo sa lugar at hinanap ang oso.

Nang makita, ginamitan ng tranquilizer ang hayop para makatulog at maalis ang matalas na lata na nasa kaniyang dila.

Ginamot din ang sugat sa dila nito na inaasahang gagaling naman.

“The female polar bear was thin, slightly dehydrated. Her tongue was damaged, but most likely it will heal. The main muscles were not damaged, just cuts on the upper skin. She is now sedated. This will give us enough time to transport her to the destination," pahayag ni Mikhail Alshinetsky, kasama sa rescue team.

Ayon kay Svetlana Akulova, director general ng Moscow Zoo, ang sunod na hakbang sa rescue mission ay ang recovery ng oso mula sa anaesthesia.

Sa isang ulat kamakailan, isang grupo ng Canadian at U.S. scientists ang nagbabala na dumadami ang mga nagugutom na polar bear na naghahanap ng makakain sa mga basurahan.

Nangyayari ito dahil umano sa paglaho ng kanilang icy habitat bunga ng nangyayaring climate change.

Sinabi rin ng mga dalubhasa na nagiging banta sa kaligtasan ng mga polar bear ang mga basura ng tao, partikular sa mga landfill na malapit sa northern communities ng Russia, Canada at Alaska.--Reuters/FRJ, GMA News