Inaresto ang isang nagpakilalang “single mother” matapos siyang magnakaw umano ng mga lobong pang-birthday, mga gatas at isang bote ng mantika mula sa isang shopping center sa Cagayan de Oro City. Ang mga ninakaw, para daw sa anak niyang may birthday pero hindi naniniwala ang mga pulis.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din ng GMA News Feed, sinabing nagkakahalaga ng P648 ang mga ninakaw umano ng babae.

At nang dalhin na siya police station, dito na nag-iiyak ang babae.

Base sa mga kumakalat na post sa social media, nagnakaw umano ang babae para sa kaarawan ng kaniyang anak.

Pero pinabulaanan ito ng Cagayan de Oro Police, at sinabing ang mga ninakaw ng babae ay para sa kaniyang tiyahin.

Hindi rin daw totoo na single mother ang inarestong babae.

Gayunman, iniatras ng may-ari ng tindahan ang reklamo niya sa babae, na panandaliang ikinulong at pinakawalan din makalipas ang ilang oras.

Nagpaabot din ng tulong ang ilang concerned citizens sa babae, kung saan personal silang nagtungo sa estasyon ng pulis at binayaran ang mga kinuhang bagay ng suspek.

“Nakalabas na siya ng both parties, nag-come up sila into an amicable settlement, so wala nang further charges na isasampa,” Sabi ni Police Staff Sergeant Genesis Babanto ng Cagayan de Oro Police.

Dumipensa ang pulisya sa mga natanggap nilang kritisismo sa netizens matapos idetine ang umano’y single mother.

“Kami as pulis, ang papel namin ay pagtanggap ng reklamo o pag-file sa kanilang reklamo. Since may complainant, may naarestong suspek, ang trabaho naming ay pag-file ng kaso,” sabi ni Babanto. --Jamil Santos/FRJ, GMA News