Hindi inakala ng isang mangingisda na makakahuli siya ng isang dosenang naglalakihang sailfish o malasugi sa isang lambat lang sa Nabas, Aklan kamakailan.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa "Dapat Alam Mo," sinabing nasa hanggang apat na talampakan ang laki at may bigat ng hanggang 15 kilo ang bawat isang malasugi na nahuli.
Kuwento ng 40-anyos na mangingisda na si Igmedio Ibon, nahirapan siyang madala sa pampang ang lambat dahil kailangan maging maingat sila sa pagkuha sa mga isda.
Mayroon kasing mahaba at matulis na nguso ang mga malasugi na maaaring makatusok ng tao.
Makalipas ng ilang oras at sa tulong ng iba pang mangingisda at residente, nadala rin sa pampang ang lambat na kinalalagyan ng mga isda, na itinuturing ni Ibon na malaking biyaya sa kanila.
Ayon sa mga eksperto, kayang lumaki ang mga malasugi ng hanggang 11 talampakan at tumimbang ng 100 kilo.
Posible umanong nagsasama-sama ang sailfish kapag mating season o panahon ng pagpaparami, o maaaring may hinahabol silang pagkain.
Karaniwang daw na nakikita ang malasugi sa malalim na parte ng laot.
Bagaman pinapayagan naman ang paghuli sa sailfish, pinapayuhan ang mga mangingisda na huwag hulihin ang mga juvenile o bata pa na malasugi para makapagparami ang mga ito.--FRJ, GMA News
