Lumitaw ang mga yapak ng mga dinosaur na nabuhay halos 113 milyon ang nakararaan matapos matuyo dahil sa matinding init ang isang ilog na umaagos sa Dinosaur Valley State Park sa Texas, USA.

Sa mga larawan ng Dinosaur Valley State Park, makikita ang mga bakas ng mga dinosaur na may tatlong daliri sa paa, na patungo sa riverbed o lupang daluyan ng ilog na napaliligiran ng mga puno sa Texas, ayon sa ulat ng Agence France Presse.

Ang mga yapak ay "one of the longest dinosaur trackways in the world," saad sa isang caption ng mga larawan.

Ayon kay Stephanie Salinas Garcia ng Texas Parks and Wildlife Department, nagpakita ang mga yapak dahil matinding init na nararanasan doon na nagtudot ng pagkawala ng tubig sa ilog.

"Due to the excessive drought conditions this past summer, the river dried up completely in most locations, allowing for more tracks to be uncovered here in the park," sabi ni Garcia.

"Under normal river conditions, these newer tracks are under water and are commonly filled in with sediment, making them buried and not as visible," dagdag ni Garcia.

Halos lahat ng mga yapak ay nanggaling sa Acrocanthosaurus, na may timbang na 6,350 kilogram o halos pitong tonelada at may taas na 15 talampakan o 4.5 metro.

Nag-iwan din ng mga bakas ang Sauroposeidon, na may 60 talampakan ang taas at may timbang na 44 tonelada kapag tumanda na.

Ang state park, na makikita sa timog-kanluran ng lungsod ng Dallas, ay dating nakapuwesto sa dulo ng isang sinaunang karagatan, kung saan nag-iwan ng mga bakas sa putikan ang mga dinosaur, ayon sa website nito.

Inaasahan naman na muling matatakpan ang mga bakas kapag muling umulan sa lugar.

"While they will soon be buried again by the rain and the river, Dinosaur Valley State Park will continue to protect these 113 million-year-old tracks not only for present, but future generations," sabi ni Garcia. --AFP/Jamil Santos/FRJ, GMA News