Nakakadiri at peste sa paningin ng iba ang mga daga. Pero may pakinabang din sa kanila gaya ng ginagawang pagsasanay sa mga malalaking uri ng daga upang maging bahagi ng search and rescue operations.

Sa ulat ng Next Now, sinabing inumpisahan na ng kumpanyang APOPO ang pagsasanay sa mga daga para hanapin ang mga biktima ng lindol at iba pang sakuna.

Kinakabitan ang mga daga ng high-tech na backpack para sa real-time at wireless na audio-visual communication.

Tinuturuan din ang mga daga na gamitin ang microswitch na nakakabit sa kanilang leeg para magbigay ng hudyat na nahanap na nila ang biktima.

"Rats are just as trainable as dogs and they've got great sense of smell. Their small size and natural agility should hopefully make them really good in this scenario, where they could squeeze in small spaces," sabi ni Dr. Donna Kean, behavioral research scientist.

Ang mga African giant pouched rat ang ginagamit ang mga sinasanay dahil sa kanilang kakaibang talino, at mas mahaba rin ang kanilang buhay kumpara sa ibang uri ng daga.

Ipadadala ang mga daga sa Turkey para sa mga karagdagan pang pag-aaral sa oras na makompleto ang kanilang pagsasanay.--FRJ, GMA News