Literal na may “ginintuang puso” ang isang bagong kasal dahil sa gintong alahas ang naging pa-souvenir nila sa kanilang mga bisita. Bakit nga ba nila ito ginawa at magkano kaya ang nagastos nila?

Sa programang “Good News,” sinabing pinag-usapan ng netizens ang “wedding of the century”  na nangyari kamakailan sa Cavite.

“Pagkapasok daw nila sa reception namin, akala nila nagbebenta kami ng gold,” natatawang sabi ng bride na si Jermine Bondal.

Nakatanggap din ng iba’t ibang reaksyon online ang kasal nila ni Edison, at napa-sana all pa ang ibang netizens.

“Ang dami pong nagme-message sa amin noong time na ‘yun na viral kayo,” sabi ni Jermine.


Kabilang sa mga regalong ginto na ibinigay nina Jermine sa kanilang mga dumalo sa kanilang kasal ang gold necklace, gold watch at gold coin ship.

Ayon kay Jermine, nag-ipon sila nang nag-ipon, at nagkataon ding lumalago ang kanilang negosyo.

Bukod sa ginto, mayroon din pa-cash prize ang bagong kasal para sa ginawang games.

Kabilang sa nanalo ang groomsman na si John Christopher Arevalo, na nakatulong ang napanalunang P2,000 para mabayaran niya ang bill ng kuryente dahil wala siyang trabaho nang panahong iyon.

“Actually ‘yung idea po na ‘yan [sa regalo] is from sa aming mag-asawa. Kasi since nakatira po kami sa Dubai, UAE, maraming gold doon. So nahilig na po kami sa gold. So naisip namin na ibigay sa guests namin, gold na lang din,” sabi ni Jermine.

Ayon kay Jermine, gumastos sila ng nasa P300,000 para sa gintong giveaways ng kanilang guests.

“Sobrang sulit po [ng saya] kasi siyempre po ‘yung iba nag-absent pa sa work tapos ‘yung iba pa galing sa malalayo. Talagang binigyan nila kami ng time noong araw na iyon,” sabi niya.

“‘Yung pinakabonggang reaksyon talaga roon, ‘Wow bibigyan pa kami ng maisasangla?’” sabi pa niya tungkol sa reaksyon ng mga guest sa kanilang regalo.

Bago naging mag-asawa, dumaan din sa pagsubok si Jermine nang mawalan ng trabaho ang kaniyang ama na dating OFW. Kaya sa edad 16, pinagsabay na niya ang pag-aaral at pagtatrabaho.

Sa edad 21, nagdesisyon siyang magtrabaho sa Dubai.

Kahit malaki ang kita, nawalay naman si Jermine sa kaniyang pamilya. Ngunit sa Dubai niya na rin nakilala ang kaniyang naging mister na si Edison.

Unang kinasal sina Jermine at Edison sa Dubai consulate noong pandemya, kung saan wala pa noong pambili ng gown si Jermine.

Bukod sa walang ipon, nawalan din siya ng trabaho habang na-cut ang suweldo ni Edison.

Ngunit hindi sumuko ang mag-partner hanggang sa naging aircraft technician si Edison, habang sinimulan naman ni Jermine ang pagbebenta ng ginto online.

Muling nagpakasal sina Jermine at Edison sa Pilipinas sa piling ng kanilang pamilya at mga kaibigan. --FRJ, GMA Integrated News